Nalimutan kong Martes nga pala ngayon at hindi Lunes. Nasanay kasi akong ang PE ko ay tuwing Martes at Huwebes, at hindi tuwing Lunes at Miyerkules tulad ngayong 1st sem ng sophomore year ko. Nagugulo tuloy ang planner ko, pati mga taong nasa paligid ko nahahawa na sa pagkalito ko. Ginagagad nila ako e.
Haha, bagong bokabularyo para sa araw na ito (actually, last week pa): PANGGAGAGAD. Ibig sabihin, panggagaya. Yikee. Parang pikhukhu.
Tatlong instruktor na ng Filipino sa Ateneo ang napansin kong pinagtripan ang upuan/chair. Una, si Sir Derain na tinulungan kami sa paghimay sa isa sa mga pinakasikat na tula sa Pilipinas: "Ako ay tutula, mahabang-mahaba. Ako ay uupo, tapos na po." Sa kalagitnaan ng kawalan ng pag-asang tuluyang mahimay nang maayos ang nasabing tula ay hinatak niya ang isang upuan at inilagay sa plataporma sa harapan ng klase. Binigkas niya ang tula, sabay ng pagkilos ayon dito. Haha, hindi ko yun makakalimutan. Palagay ko isang mahabang "aaahhhhh" lang ang naging reaksiyon ko nun.
Pangalawa ay si Sir Egay, na pinakilala sa amin ang salitang pikhukhu (tama ba yung spelling?). Tinawag naming pikhukhu ang isang upuan - para maipakitang ang wika ay isang texto. Haha, "iyan ay isang pikhukhu," pero iyon pa rin yung bagay na mas nakilala natin bilang isang "upuan." Mag-iba man yung tawag, yun pa rin yun. Parang ang labo ng pagpapaliwanag ko. ^.^
Pangatlo ay si Sir Tenorio. Ginawa niyang halimbawa ang isang upuan para maipakita sa amin ang paniniwala ni Platon na ang totoong mundo ay hindi ang materyal na mundo - na siyang ginagalawan natin - kundi ang mundo ng mga konsepto. "Hindi totoo 'yang upuan na 'yan! Ang totoo lamang ay ang konsepto nito." Hanggang ngayon hindi ko pa rin maisip kung paano mabubuhay ang mga tao sa mundo na pawang konsepto lamang. Kailangan pa rin naman ng mga materyal na bagay para maisakatuparan ang mga konseptong pinaniniwalaan ni Platon.
At iyon, ang kwento ng mga upuan. Bow. Cute di ba? =)
+++
Sabi ni Sir Brion, "what you write is who you are." At bigla kaming natakot na makilala ang mga sarili namin.
+++
Kailangang harapin ang lifestyle ng isang full-time college student. Ano ba - para sa akin - ang isang full-time college student? Syempre dapat nag-aaral. Dedicated. Motivated. Mahaba ang pasensya. Di basta sumusuko. Leader - kung kinakailangan. Willing member - kung okay yung leader. Active - hello to co-curricular activities and orgs. May passion sa major - kumbaga sa akin, creative writing. Walang distractions - no boyfriend para sa akin kahit na gusto ko o papayagan ako ng mga minamahal kong magulang; good influence na mga kaibigan (kasama na yan sa mga perks ng college life).
At para maging isang full-time college student (di lang basta full-time, scholar na rin), kailangan kong magkaroon ng org. Yung org na kinikilala, pero at the same time ay nagbe-benefit ako. Hindi lang pangpaganda sa resume ko sa hinaharap, kundi para mahasa ako bilang isang manunulat, o maski bilang isang "tao", at the very least.
Kung kinakailangan, hihiwalayan ko muna ang boyfriend ko.
JOKE. Wala talaga akong boyfriend. Haha, maniwala uto-uto. =D
Ayun lang. At kanina pa ako nababagot kakahintay sa YM sa mga groupmates ko sa Aesthetics. May balak pa man din akong mag-aral ngayong gabi, kaya lang hindi ako mapalagay na hindi pa ayos yung groupwork namin sa aesthetics. This sucks.
Nagda-download din ako ng VLC player para mai-play ko ang dinownload ko na pelikulang Monster nina Charlize Theron at Christina Ricci na required para sa reflection paper namin sa Western History. .MOV file kasi e, hindi yun tumatalab sa Windows Media Player o Winamp. Napaka-outdated ko. Ni yung hidden emoticons, hindi ko pa malalaman kung hindi sinabi sa akin ni Jaimie.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 ang nagmamahal:
Mag-post ng isang Komento