Buong araw, kalayaan ang nasa isipan ko. Paano ba naman? Paggising ko sa umaga, si John Locke agad ang bumungad sa akin. Sabi ng libro, "Hoy! Kailangan mo akong pag-aralan!" Kaya pinag-aralan ko ang sanaysay ni Locke.
Pagdating sa Ateneo, freecut sa English kaya binasa ko uli si Locke at ang kaniyang kalayaan.
Bago magES, nag-usap kami ni Anna tungkol sa kalayaan, at kung anong gagawin namin sa consultation.
Pagkatapos ng Math, pumunta ako sa de la Costa para makipagkita sa mga kagrupo ko sa Filipino. Halos kalahating oras din kaming nagdiskusyon tungkol sa kalayaan nina Locke, Mill, at Skinner.
Sa consultation. Natural, kalayaan pa rin ang topic, iyon ang konsepto namin para sa Filipino paper.
6:00 ng gabi. MVP Colayco Pavilion. Gabay. Liberasyon. Na naman...
Eto iyon. Iyong sinalihan kong paligsahan. Sa buong buhay ko, tatlong contest pa lang ang nasalihan ko sa pagsusulat. Iyong una, joke joke lang...wala pa akong alam sa pagsusulat noon. Iyong pangalawa, nagbakasakali lang. Hindi ko naman inaasahan na mananalo ako doon. Iyon sigurong pangyayaring iyon ang isa sa mga naging motivation ko sa pagpatol sa posibilidad na may lugar ako sa pagsusulat. At ang pangatlo, itong Lib ng Gabay. Nagbakasakali lang din. Buti na lang nakabingwit ng honorable mention, at na-publish ang inilahok ko sa booklet na Piglas ng Gabay.
Narito ang mga links sa scanned images ng libro: cover at first page.
Kamusta ang Open Mic Night? [shiver] Ayos lang naman. Alamin mo na lang kung anong ibig sabihin ng ayos lang naman ko. Nabulol ng konti. Pangit ang intro. Hindi ako palagay. All in all, ayos lang. At ampucha...nakalimutan kong magpasalamat! Wala na ako sa harapan ng mic nang maalala ko. Ang sama ko talaga.
Bago naman nag-umpisa ang pagbabasa ng mga kalahok, nagtanghal muna sina G. Jethro Tenorio at G. Diccion ng Kagawaran ng Filipino ng mga monologo. Ang galing nilang dalawa, para ka na ring nanood ng play ng Tanghalang Ateneo. (Alam ko na galing sa Entablado si G. Diccion, kaya lang sa mga napanood kong mga play (tatlo pa lang naman), TA ang may magandang performances.)
Habang nandoon ako at naghihintay maubos ang oras, naisip ko na ang hirap palang basahin ang sarili mong katha sa mga taong hindi mo kilala...Hindi lang dahil sa kaba at panginginig, kundi dahil sa posibilidad ng pagyayabang. Kasi naman, pupunta ka sa harapan nila. Ang 'magandang gabi sa inyong lahat' na pambungad ay tila katumbas ng 'maganda ang gabi kaya makinig kayo sa akin dahil may sasabihin ako sa inyo'. Mahirap...
Hindi ko pinatapos ang event. Lumalalim na kasi ang gabi. Ayoko sanang umalis, kaya lang nag-iisa lang naman ako doon kasi hindi naman ako nag-imbita. Sinubukan kong mag-imbita, pero lahat sila may gagawin, iyong iba uuwi. At saka ako lang yata ang walang kakilala sa event, lahat sila taga-Gabay, para lang akong naligaw. Iyong isang emcee ang tanging nakausap ko. Nakangitian ko lang siya, tapos tinanong niya ang pangalan ko. Ang tanga ko nga kasi hindi ko naman tinanong ang pangalan niya. Ang bait pa man din niya. Pagkatapos kong magbasa, binigyan niya ako ng complement. Malaking bagay na iyon para sa akin kasi sa inupuan ko kagabi, ako na lang mag-isa ang nasa row na iyon. Wala nga kasi akong kakilala sa Gabay.
Hinintay ko ang kuya ko sa may de la Costa, doon sa stone bench na nasa gilid ng Rainbow Rings ni Impy Pilapil. Masaya pa rin sa de la Costa kahit na gabi na at malamig at konti ang mga tao. Sa de la Costa, kahit na maraming tao, peaceful pa rin ang ambience, kaya masarap tumambay doon.
At tumakbo nga pala ako sa mga walkway sa Kostka at sa EDSA walkway...wala naman kasing ibang tao, at matagal na rin pala akong hindi tumatakbo. Ang sarap ng pakiramdam, para akong malaya.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 ang nagmamahal:
Mag-post ng isang Komento