Random things that made me cry

Ene 17, 2008

Noong birthday ko. Iyong ang huling araw na naaalala kong umiyak ako. Inalala ko lang, kasi may pwersang pumilit sa akin na alalahanin ko kung kailan ako huling umiyak. Iyakin pa man din ako...

Kasabay ng pag-alala kung kailan ako huling umiyak, inalala ko na rin iyong mga bagay na nagpaiyak na rin sa akin. Masarap lang alalahanin, kahit minsan kinukurot pa rin ang puso ko.

[in no particular order...]

  • drum set - isang drum set na 60 000 pesos. oo, umiyak ako sa kamahalan ng presyo. isa kasi sa mga frustration ko ang matutong tumugtog ng drums, at nang malaman ko mula sa aking kuya at mama na mayroon silang nakita na magandang drum set, at iyon na nga, 60000 pesos, mas mahal pa sa pang-isang taon na tuition ko noong high school [nangyari ito noong malapit nang mag-Pasko noong third year ako]. hindi naman nila nilinaw na meron ding 10000 pesos na drum set.
  • Top Ten - oo, iniyakan ko din iyang pesteng Top Ten [kung sino man ang nag-imbento ng Top Ten, lagot kayo sa kin...] noong elementary at high school. Grade 2 ako noong unang beses akong hindi nakasama sa top five, iyon bang isinasama sa graduation ceremonies tuwing Marso. Noong Grade 6, nagalit sa akin ang mama ko kasi naging Top 6 ako [naglalaro lang ako noon sa top 3, 4, o 5] at lalo siyang nadismaya sa akin nang maging top 9 ako sa huling grading period. Noong first year high school, umiyak ako noong first grading period kasi umasa ako na kasama ako sa top ten, pero hindi ako nakasama [Best in Values Education naman ako]. Second year high school, 3rd grading period nang maging top ten ako...at nakakahiya kasi umiyak ako sa stage sa sobrang kagalakan. Third year high school, 3rd at 4th grading period, hindi na muli ako nakasama sa top ten. Iniyakan ko pa rin yun. At noong 4th year high school, wala na akong pakialam sa Top Ten. At hindi na rin ako nagtiwala rito kailanman.
  • 2nd placer sa cheering competition- sumasayaw ako. Noon. Namimiss ko na nga e. Third year high school, Junior Knights. Naging 2nd placer kami at talagang inaasahan namin iyon. Napaiyak ako sa tuwa. :) Pero noong fourth year, Blazing Dragons, umiyak kami kasi 2nd placer lang kami. Lahat umiyak, mga babae, mga lalake - kahit na yung mga lifters namin. Kasi pinaghirapan naming lahat yun, tapos 2nd place lang? Pero tapos na iyon, dapat nang limutin kahit na may mga lamat nang nalikha.
  • Pagtatanggol sa Rizal 07 [http://profiles.friendster.com/rizal07kami] - hinding-hindi ko makalilimutan iyong komprontasyon na iyon. Halos humagulgol na ako sa klase para maipagtanggol sila at para matapos na ang gulo at di-pagkakaunawaan [bilang presidente ng klase; may kinalaman sa cheering competition]. Pero wala ding silbi ang mga luha at uhog ko, kasi hindi naman naayos. Ang lamat sa isang baso ay mananatiling lamat, kaya minsan wala na ring kahulugan kung ayusin pa ito dahil lalo lang lumalaki hanggang sa tuluyan nang mabasag ang baso.
  • Graduation - syempre naman. Apat na taon din iyon, at alam kong magiging malayo ako sa kanila. [iba pa rin syempre yung nagkikita sa klase at nag-uusap nang harap-harapan, hindi sa ym o sa friendster, at iyon bang pare-pareho iyong mga kwento. lahat nakaka-relate, hindi tulad ngayon na iba-iba na ang mga tinatahak naming landas.]
  • Birthday ko - tulad nga ng sinabi ko kanina, umiyak ako noong nakaraang birthday ko, sa may chapel sa campus. Nakakalungkot lang kasi, hindi ako nag-iisa, pero nag-iisa pa rin ako. Noong birthday ko naman noong 2006, sinorpresa ako ng isang malapit na kaibigan. Binigyan niya ako ng cake. Noong 2004 naman, field trip din namin iyon. Binigyan niya ako ng birthday card at bracelet. Pero hindi ako doon naiyak. Sa sobrang pagod ko kasi noon, naiwan ko yung bagpack ko sa loob ng bus [dalawa ang bag ko noon, isang bagpack at isang shoulder bag. Nandoon yung iba kong mga damit, mp3 player ng daddy ko, notebook, ballpen, etc.,] at namalayan ko lang na wala ang bagpack ko noong nasa loob na ako ng tricycle. Pagdating sa bahay, ayon...napagalitan. Sobra ang iyak ko noon. Ginawa ko na lahat e, hinabol ko iyong bus, nagtanong-tanong na rin ako sa mga guro ko at ibang estudyante. HIndi ako pinatahimik ng sobrang katahimikan ng mga magulang ko noong gabing iyon...At kinabukasan, buti na lang may mabait akong kaklase na nakita ang bag ko at inuwi niya muna sa kanila.
  • ACET - noong kumuha ako ng ACET, alam kong wala na akong pag-asa pero kahit papaano mayroon pa rin akong katiting na kagustuhan at pag-asa na makakalagpas ako. Aminado na ako, kahit sa mama ko. Noong tinanong niya ako kung gusto kong pumasa sa ACET, hindi ko napigilang maluha at sabihing "oo." Nadamay pa nga ang kuya ko [1st year college siya noong sa Ateneo] kasi hindi daw niya ako tinulungang mag-aral para sa ACET [pero ang totoo naman ay ayoko talagang mag-aral para sa mga college entrance examinations tulad ng UPCAT, USTET, at ACET, kahit na gusto kong pumasa]. Pero, noong nalaman ko naman na pumasa ako, hehe, naiyak naman ako habang nakangiti.
  • Pagbabasa - Marami nang libro ang umantig sa puso ko, pero ang di ko malilimutan ay ang The Little Prince. Noong binasa ko kasi ito, masasabi kong mayroon akong depression o sobrang lalim na kalungkutan. Inilagay ko ang sarili ko sa lugar ng fox [when one allows himself to be tamed, he then takes the risk of crying a bit], at saktong-sakto. Pati mga tula, Tagalog/Filipino man o English, ay iniiyakan ko din lalo na kapag magaling ang nagbabasa [kung babasahin para sa akin]. Hindi rin nakaliligtas ang mga sanaysay, short stories, plays, etc.
  • Mga Kanta - sabihin na nating emo, pero hindi. Normal lang yan sa tao.
  • Kamatayan - o mas akma kung sasabihin kong pagiging mag-isa o ang maiwan. Ang simpatiya ko ay nasa mga taong iniwan/naiwan, dahil masahol pa ang mabuhay mag-isa sa gitna ng karagatan ng mga taong walang pakialam sa iyo kaysa ang mamatay.
  • Love...or so I thought
  • "I'm sorry" - kapag mayroon akong napakalaking kasalanan, mahirap ang mag-sorry. Pwede kong sabihin na mataas ang pride ko, pero kapag humingi ako ng patawad, totoo iyon.
  • "I love you" o "mahal kita" - sa mga magulang at mga kapatid at mga kaibigan [siguro maging sa kung sinumang makakasama ko habangbuhay, kung meron mang nakatakda]. Napakahirap sa aking sabihin iyan, kasi totoo at mula talaga sa kaibuturan ng aking puso...at may libre pang luha at uhog.
  • Faith/Paniniwala - napakalakas na pwersa ang paniniwala/faith sa Maykapal [hindi sa relihiyon].
  • "UP Manila, UST, Ateneo, o Miriam?" - oo, ipinasa ko lahat ng iyan, pero alangan namang mag-aral ako sa apat na colleges nang sabay-sabay. Napakatinding desisyon...sobra at grabe. Palagay ko naman tama ang desisyon ko...
  • Nocturne Video - iyong video ng pictures ng blazing dragons noong mismong araw ng cheering [noong naging 2nd placer kami] na Nocturne ng Spongecola ang background music.
  • Maalaala Mo Kaya? - haha
  • Mga Pelikula - A Walk to Remember: sobra ang pag-iyak ko diyan. At marami pang iba...
  • Pagkakaibigan - sabi nga ng isa ko pang malapit na kaibigan noong high school, "Magkaproblema na ako sa pag-ibig, wag lang sa mga kaibigan ko."

Paikli yata nang paikli habang tumatagal ang mga paliwanag...o pangangatwiran.

0 ang nagmamahal:

kamakailan lamang

maaari kang bumalik, kung gusto mo.

Powered By Blogger