Maniniwala ka ba

Dis 2, 2008

Alam mo ba, sinapak ko yung partner ko kanina sa fencing. Ipag-parry 4 ba naman kasi ako nang magkasunod. Imposible naman yun, di ba? Kasi kapag parry 4, pinoprotektahan mo yung outer upper mo. Kapag parry 6, yung inner upper naman. Alangan namang atakihin nang magkasunod yung outer upper mo hindi ba? Kaya hindi dapat ginagawa nang magkasunod ang parry 4 o maging ang parry 6. Kaya nga rin may repose di ba? Pero ang totoo, hindi mo alam. Hindi mo alam na hindi ito totoo. Ngayon alam mo na. Pero alam mo na ba talaga?

Ginagawa kong once-a-week habit na lamang ang blogging. Para sa linggong ito, espesyal ang sinulat ko. Napakalalim ng insight ko dun. Sobrang pinagpuyatan ko yun nung Linggo ng gabi. Nag-isip ako ng mga magagandang topic at ng mga bagong pangyayari sa buhay ko (mahirap yun ah!). Dumaan din yun sa tatlong editing, wala pa yung mga final polishing at revising. Tuwang-tuwa nga ako sa naisulat ko. Napakadalang kasi na malaman yung mga blog entry ko. Sayang nga e. Kasi hindi ito yun.

Lahat ng gusto kong i-blog, naikuwento ko na kanina sa guidance interview ko. Oo, LAHAT. Sa sobrang daldal ko, hindi ata na-convince yung councilor na may problema ako sa communication skills at sa pag-establish ng stable connection sa mga taong nasa paligid ko.

+++

TENSE SHIFTING EXERCISE

"Four."

Hiniwa ko ang hangin sa kanang direksiyon gamit ang aking foil.

"Four."

Ha? Paano yun? Takang-taka ako. Bumalik ako sa en garde position at ginawa uli ang parry four.

Binagsak niya ang glove.

Inextend ko ang aking kanang braso: isang repose. Kahit anong pilit ang ginawa ko, hindi ko talaga nagawang i-pin ang glove gamit ang aking foil.

Ngumiti siya ng isang ngiting nanlilibak.

Nandilim ang aking paningin. Ibinagsak ko ang aking foil sa sahig - na lumikha ng matinis na alingawngaw sa buong covered courts. Nangatigil ang lahat ng estudyante sa kani-kanilang mga ginagawa at nilalaro. Tinitigan ko ang aking partner.

Pinapanood na kami ng lahat ng tao sa loob ng covered courts, maging ang mga guwardiya at mga janitor. Pinameywangan ako ng partner ko habang sinasabing "Kahit anong pilit mong mag-ensayo ng tense shifting, hindi mo yun makukuha! Bwahahahaha!"

Sinasapak ko na siya. Kasi ayokong ibuko niya sa buong mundo (covered courts) na sa simula pa lang, nagkamali na ako. Hindi pala dapat unang punto de bista ang ginamit ko.

Nagmamakaawa na siya ngayon. Maniniwala ba ako?




0 ang nagmamahal:

kamakailan lamang

maaari kang bumalik, kung gusto mo.

Powered By Blogger