Nakapunta ka na ba sa Paraiso? Ako, oo. Hindi lang isang beses. Maraming maraming beses na.
Pumunta kami sa Paraiso kanina. Family bonding nga yata. Ginamit uli ni Daddy yung bike niya na nagkakahalaga ng ilang libong piso, nagamit uli ang mga badminton rackets namin, nalinis nang bahagya ang puntod ng lola ko (sementeryo nga pala ang Paraiso, memorial park ika nga), at nagamit ko uli ang sumbrero kong astig. Sayang nga lang dahil nagkataong umulan at kinailangan naming umuwi nang mas maaga kaysa sa inaasahan. Nabasa kami ng ambong hindi ko malaman kung ulan na ring matatawag, pinagamit ko sa bunso namin ang astig kong sumbrero para hindi siya gaanong mabasa, at hindi naman talaga nagamit yung tripod naming pang-geodetics sa pagkuha ng maraming family pictures. Actually, landscape lang naman ang nakuhanan ng litrato kanina.
Dumiretso na lang kami kay Lolo, sa Montalban. Matagal na akong hindi nakakapunta roon, palibhasa lagi na lang si Mama ang bumibisita sa kaniya kasi abala kami sa eskuwelahan o sadyang wala lang talaga kaming kusa na pumunta roon - minsan kasi hindi ko makayanan ang katahimikang nagaganap sa kalagitnaan ng mga pag-uusap na lalong nagpapalawak sa puwang na nasa pagitan namin; may tampo pa rin siguro ako sa kaniya kasi hindi siya pumunta sa bahay noong 17th birthday ko.
Wala gaanong katahimikan kanina. Madaldal si mama at naroon si Ali, walang patlang ang katahimikan. Ako ang tahimik, ako. Pero sinikap kong mag-ingay kahit papaano, para maramdaman din ni Lolo na naroon ako at hindi lang isang imahe ng apong dati ay malapit sa kaniya dahil nasusunod lahat ng gusto ko (sampung taon din akong naging bunso), isang batang masigla, bibo, at malusog na dati ay katuwang niya sa pagtitinda ng mga damit sa palengke ng San Jose - katulong sa pag-aanyaya sa mga mamimili, sa pagsasalansan ng mga damit sa papag, sa pagsasampay ng mga sari-saring t-shirts at bags sa kisame ng tindahan, at sa pagbabantay ng mga paninda laban sa mga magnanakaw at sa mga mamimiling barat, isang babae na namamayagpag sa eskuwela noong elementarya kaya madalas na ipagmalaki sa mga kapwa tindero't tindera sa palengke, isang dalaga na nakapasa sa UPCAT, ACET, USTET, at Miriam, isang Atenistang laging abala sa pag-aaral at tinatahak ang isang kursong karaniwang walang trabahong maaasahan pagkatapos ng kolehiyo na kailangan niyang alalayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng allowance.
Ayokong tumanim sa isipan niya na isa lamang akong bungangang palamunin, na wala na akong inatupag kundi ang mag-aral at magsulat at magmalaki sa isang kapirasong tula na maaaring mailathala sa hinaharap, na isa lamang akong ideyang bigla na lang sumusulpot sa mga oras na di karaniwan.
Parang hindi siya natuwa na sa wakas ay nababawasan na ang mga taba ko sa katawan, sa halip ay parang ikinalungkot niya ito - sanhi raw kasi ito ng pagpapahaba ko ng buhok. Parang ayaw niya na mahaba ang buhok ko. Hindi ako naglakas-loob na tanungin kung bakit kasi baka sumang-ayon ako sa kaniya at ipaikli ko nang tuluyan ang buhok kong magtatatlong taon ko nang pinapahaba.
Natatakot kaya siya na lalong lalawak ang puwang na pumapagitan sa aming dalawa? Na sa pagpapahaba ko ng buhok at sa pagbabawas ng aking timbang ay mas nagiging kapansin-pansin na hindi na ako bata. Ayokong isipin na natatakot siyang baka maaga akong tumahak sa landas ng pag-aasawa at pagpapamilya, dahil hindi naman mangyayari sa akin yun hanggat nasa matinong pag-iisip pa ako.
At totoong hindi na ako bata. Malapit na akong maging isang opisyal na dalaga pero parang kahit na ang sarili ko ay hindi naeengganyo sa ideyang ito. Lalo lang akong nalulugmok dahil hindi ko mapapangatawanan ang pagiging isang dalaga. Marami akong hindi pa nararanasan, at gustong maranasan. Pero alam ko, na bata pa rin ang magiging turing sa akin.
Isang malaking kabalintunaan.
Maging ang pangalang Paraiso ng isang sementeryo ay isang kabalintunaan para sa akin. Parang nagpapatawa, o nagsisilbing pampalubag-loob sa mga katawang inuuod sa loob ng mga kinutsunang ataul. Paraiso. Paraiso pala ha.
Hindi ni'yo ako maloloko sa pagpapasemento ng dating maputik na daan tungo sa puntod ng lola ko, kung saan dati ay malayang naglalaro ang mga uod na alam kong nanggaling sa kung saang katawan sa ilalim ng lupa at kinayang tumakas sa kinutsunang ataul.
Nga pala, yung picture ng Paraiso dito sa entry na ito ay hindi sa akin. Nakuha ko lang ito sa batangsanmateo.com.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 ang nagmamahal:
Mag-post ng isang Komento