Promenade picture ng Rizal '07. Hindi kumpleto pero mas maayos ito kaysa sa class picture namin. Sa pagkakaalala ko, nasa likod ng camera si Frexy.
5:30 ng hapon kanina, nang nag-text si Nessie sa akin at nag-aya na pumunta sa graduation sa Roosevelt College San Mateo. Wala lang, parang mini-reunion na rin ng section namin. Game naman ako, basta ba papayagan ako ng aking mga magulang. Hehe...Makiki-epal kami sa graduation ng may graduation.
At kagulat-gulat nga, na pinayagan ako nina mama at daddy na pumunta. Yehey naman! Medyo may pagka-'once-in-a-lifetime' ito. Kaya dali-dali akong nagbihis at naglakad papunta sa Roosevelt. Habang naglalakad, hindi ko maiwasang maging sentimental. Sabi ko sa sarili ko, 'Mag-iisang taon na akong graduate ng high school (April 13 ang petsa ng graduation namin last year), at eto ako, na pupunta sa school na parang estudyante pa rin doon. Totoo bang isang taon na halos ang lumipas?'
Naalala ko lang naman iyong mga panahon na lagi akong naleleyt/nagpapaleyt sa klase - kahit na 10 minutes lang ang layo ng school sa bahay kung lalakarin. O iyong mga panahon na pupunta ako sa Mcdo dahil sa mga meetings namin. O iyong mga practice namin ng cheering sa school tuwing panahon ng Intrams. Generally, nag-senti-senti lang naman ako tungkol sa high school life ko habang naglalakad papuntang school.
Dumaan muna akong Mcdo - opisyal na tambayan ng karamihan ng Rizal dahil SOBRANG lapit nito sa school - kasi baka nandoon sila. Si Vincent lang ang naabutan ko sa labas ng Mcdo, hinihintay daw niya sina Paul. Kaya nauna na ako papunta sa loob ng school. Eksakto naman na Lupang Hinirang ang kinakanta nang matapat ako sa school. Syempre, gusto ko namang maging role model sa mga mas nakababata sa akin (haha, dapat sapagkat nararapat!) at para naman hindi nakakahiya sa eskuwelahan. Baka masabing wala akong natutunan sa Roosevelt, meron ano. Marami kung tutuusin. Sobra-sobra pa nga e. =)
OK. So pinapasok ako ni Manong Guard. Si Manong Guard na kalbo, siya pa rin ang guard. Sana nga naaalala pa niya ako; sa apat na taong pagpasok ko sa Rossevelt, isang beses ko lang naiwan ang ID ko sa bahay! pero maraming beses din akong naleyt kaya siguradong naaalala pa ako ni Manong Guard, kataka-taka lang kasi ni hindi ko man lang alam ang tunay niyang pangalan. Marami akong mga pamilyar na mukhang nakita: mga guro, administrative staff, janitors, property men, kapuwa mga dating estudyante, etc. Iyong iba madali akong nakilala, iyong iba parang nagkunwaring hindi ako kilala.
Si Noriza ang sumunod na pumasok sa school. Sabay na kaming pumunta sa Philstress building kasi nandoon daw iyong iba naming mga kasama. Pakiramdam ko maliligaw ako. Paano ba naman kasi, bagong pintura ang mga dingding, may mga salamin ang ibang mga poste, may mga sheds na itinayo, maraming tao na nakaharang sa daanan, at maraming mga di-kilalang mukha (mga mukha ng mga bisita't magulang at ng mga bagong members ng clerical/teaching staff ng school).
Buti naman hindi na kami umabot sa Philstress building at doon na lamang sila sa administrative building tumambay. Nandoon sina Nessie, Frexy (na ang sabi ay mukha daw akong Sto. Nino [with an 'enye'] dahil sa buhok kong mahaba at kulot), Tzupat, Aloi, Krisa, Fressie, Chesy, Ava (na pinangakuan ako ng libreng ticket kung may play siya sa UP sa susunod na semester), etc...marami pa ang nagsidatingan.
Kuwentuhan to the max, tawanan, tuksuhan...Reunion talaga ang ambience at parang hindi namin alam na may graduation palang nagaganap, kaya naman hindi pa rin kami pinatawad ni Sir Reyes. Pinatulan pa rin kami, as usual...Haha, maingay naman talaga kami e, asar lang kasi panira ng moment namin. (Teka, parang lumalabas na siya ang may mali...hindi yata tama yun. :p)
Natapos ang graduation na ang ginawa ko lang ay nakipagkuwentuhan kay Nessie tungkol sa aming buhay-college, sa aming mga lovelife na walang lover, sa kung ano-ano pa...Tapos kuwentuhan din kasama si Joyce, sa summer job, call center, sa mga pets na nangamatay: ang lovebird ko na si Lemon na pinatay ng daga, ang hamster ni Nessie na kinain ng pusa, at ang rabbit nina Joyce sa dorm nila sa UPLB na kinagat ng pusa at namatay.
Nagpaalam muna kami sa mga teachers. Kaya lang sobrang busy si Ma'am Veri na nagmistulang star of the night (kasi naman ay ang daming gustong magpapicture kasama niya), kaya hindi na yata kami napansin. :(
Tapos inunahan na namin ang mga graduates at ang kani-kanilang mga pamilya na pumunta sa Mcdo...first come, first serve! Diretso ang kuwentuhan at tawanan, di ko/namin alintana ang gutom - na hindi ko naman talaga naramdaman.
Pumayag si Noh na hiramin ko ang mga libro niya, pati na rin iyong mga tungkol sa creative writing. Idol niya pala si J.S. Mill - iyong nagsulat ng On Liberty - na medyo kilala ko rin dahil sa paper namin nina Anna at Dino sa Fil12. Baka sa birthday ni Frexy (April 17) ay maaari ko nang hiramin ang mga libro at handouts niya. Yippee!
Nagbabalak din kaming maghanap ng summer job. Mahigpit ang pangangailangan sa datung ano! Call center sana (15000 per month) kaya lang mahirap daw, kasi may 3 weeks na training na medyo ikalulugi namin dahil walang suweldo ang training. Magtayo na lang kaya kami ng sariling business? :)
Nagpatuloy ito hanggang 9 ng gabi. Kagulat-gulat nga na hindi ako tinext ng aking mga magulang para umuwi ng maaga. (Isa na namang 'once-in-a-lifetime!') Hindi na ako puwedeng magpagabi pa...manonood pa kasi ako ng PBB. Tutal, marami naman ang may birthday/debut ngayong bakasyon, marami pang reunion ang magaganap (kaya lang baka hindi ako payagang magswimming/mag-outing/mag-overnight).
0 ang nagmamahal:
Mag-post ng isang Komento