Ano-ano ang nasa balita ngayon?

Mar 25, 2008

Di sinasadyang nakapanood ako ng balita kagabi. Kumusta na nga ba ang Inang Bayan? May mga pagbabago ba? Kumusta ang panonood ng balita-ang pagsilip sa kalagayan ng bansa? Ganoon pa rin, maiinis at maiinis ka pa rin.

Tatlong balita ang nasa isip ko ngayon: ang colon cancer ni Corazon Aquino, ang barilan sa munisipyo ng Montalban, at ang pagtatalo sa kalagayan ng bigas sa bansa.

Sa lahat-lahat ng taong pwedeng bigyan ng colon cancer, si Corazon Aquino pa - ang kauna-unahang babaeng presidente ng bansa, ang iniwang maybahay ni Ninoy Aquino, ang ina ni Kris Aquino. Sana si FG Arroyo na lang. O kahit sino na corrupt. Si Erap. Mga buwaya...Tadhana nga naman.

Kabababa ko lang sa kwarto ko kagabi (natulog ako at nagpahinga dahil sa pagod na dulot ng sobrang kainitan ng panahon at di-makayanang mental stress) nang ibalita iyan sa TV Patrol (opo, kapamilya ako.) Akala ko nananaginip lang ako. Pero hindi e. Nakita ko si Kris Aquino na nagpipigil ng luha, si Drilon umiyak, at pati na rin si Lim. Mahirap paniwalaan. Pero ayan na e. Malungkot ang balita.

Dumako naman tayo sa may paanan ng kabundukan, bago sa Wawa River, bago sa mga batong minarkahan ni Bernardo Carpio ng San Mateo, sa nangangalingasaw na amoy ng mga dumpsite...doon, sa Montalban, Rizal.

Nakakainis talaga iyang si Cuerpo, hindi na nagbago. Naalala ko noong elementary pa lang ako sa Roosevelt College Rodriguez (na nasa tapat lang ng munisipyo), isa ako sa mga pumirma para umapela kay Cuerpo na huwag nang gawing dumpsite ang Montalban. E bakit ngayon ay suspendido siya dahil sa pangongotong sa mga trak ng basura na papunta sa dumpsite sa Montalban? Tapos ang tapang na sumugod sa munisipyo, e suspendido pala siya e! 'Kala mo kung sinong may-ari ng munisipyo (na noong pinagawa mga ilang taong na ang nakararaan ay may mga under-the-table daw umanong naganap). Bahala siya...talaga nga namang nakaiimbyerna ang balitang ito, lalo na't halos naging hometown ko na rin ang Montalban.

Huling balita na talaga nga namang nakakaasar. Inuuto ba tayo ng gobyerno sa pagsabi na sapat (sobra pa nga raw!) ang supply ng bigas sa Pinas? E bakit katakot-takot na pagtaas ng presyo ng bigas ang nagaganap ngayon? 30-40 pesos na ang isagn kilo ng bigas ngayon, hindi nila pwedeng ikatwiran na dahil na naman ito sa pagtaas ng presyo ng krudo sa world market.

Ang labis na kinaiinis ko sa balitang ito, ay ang pagmamaliit ng gobyerno sa kakayahang mag-isip ng mamamayang Pilipino. Sa subject na economics, ang una at ang huling aral na tatatak sa isipan mo ay ang Law of Supply and Demand, kasi kahit na hindi ka maging ekonomista o entrepreneur, parte ka ng batas na ito. Lahat ng tao apektado nito, dahil lahat tayo ay mga consumers.

Kung sapat ang supply ng bigas sa Pilipinas, bakit mataas ang presyo nito? Bakit mataas ang demand? BAKIT KAILANGANG MAG-IMPORT?

Binababoy ng gobyerno ang Law of Supply and Demand. Lagot kayo kay Sir Amado Cruz - teacher ko sa economy noong high school.

Paano ba naman kasing hindi mauubos ang supply ng bigas? (Sa parteng ito, sasabihin ko nang tahasan na kinukulang na ang Pilipinas ng supply ng bigas at ginagago tayong mga Pilipino ng gobyerno sa pagpapakain sa atin ng mga kasinungalingan [buti sana kung nakabubusog ang mga kasinungalingang inihahain nila]) Ipinagkakait nila ang mga lupain - tingnan bilang halimbawa ang ginawa nila sa mga Sumilao farmers, at malay ba natin kung may iba pang grupo ng mga magsasaka ang ginigipit sa kani-kanilang mga lupain.

Iminungkahi nila na pigilan ang pag-convert ng mga bukirin sa mga subdivisions. E hindi ba bago magtayo ng subdivision ay dumaraan muna sa gobyerno (o sa lokal na sektor ng gobyerno) ang mga papeles nito?

Tsk, tsk, tsk...

Ano na ang kakainin ngayon ng mga Pilipino? Hamburjer?

0 ang nagmamahal:

kamakailan lamang

maaari kang bumalik, kung gusto mo.

Powered By Blogger