Under Pressure!

Peb 25, 2008

Ngayon lang ako gumamit ng PC sa isang computer shop, and grabe ang pressure kasi may timer iyong desktop. Kaya kung lalagpas ako ng isang oras sa pag-internet, dagdag bayad agad. Walang ligtas. Buti na lang wala gaanong tao kasi isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi ko gusto ang mga computer shop ay ang pagiging matao at maingay dito.

Kaya in less than one hour, dapat makagawa ako ng blog entry dito [required?]...May deal pa man din kami ni daddy na kung mag-iinternet ako dito, hindi na ako mag-iinternet sa bahay. Wah!

Nandito nga pala ako sa Cavite ngayon, mayroon kasing celebration kasi successful iyong operation ng pinsan ko. At pinostpone ko iyong online meeting ng grupo namin sa Filipino kasi hindi naman ako makakadalo.

At sa ngayon ay nakakaranas ako ng blogger's block.

Marami akong nakapilang ideya ngayon, nakapila sila tulad ng mga taong nakapila sa harap ng nag-iisang poso, nag-uunahan at nagbabanatan, may sumisiksik. Nandoon din si Impeng Negro, sinusuntok at binabayo si Ogor. Haha, "suntok, bayo, suntok, bayo..." Kung hindi niyo kilala si Impeng Negro, kilalanin ninyo. Maikling kwento yan ni Rogelio Sicat, at dapat niyo siyang kilalanin.

Thirty minutes na lang ang natitira. Ang hirap naman nito...challenging... pero wala ako sa kondisyon.

Kanina ko pa binabasa iyong The Second Treatise on the Civil Government ni John Locke, isang mahabang sanaysay tungkol sa kalayaan at gobyerno, pero hanggang ngayon hindi pa rin ako nangangalahati. At ang hirap mag-notetakings sa pamamagitan ng summarizing at paraphrasing. Nagsisisi tuloy ako na hindi ko dinala ang dictionary ko, at umaasa naman ako na may UP Diksiyonaryong Pilipino sa library. Kung puwede lang sana na puro direct quotations na lang, pero syempre, kalabisan naman iyon.

Hayness...

[ayokong gamitin iyang salita na iyan, pramis...pero hinihingi ng pagkakataon.]

Twenty-four minutes left.

At umiingay na dito sa loob dahil napupuno na ng mga batang lansangan na siguro ay mga panatiko o mga addictus sa mga online games o kahit anong puwedeng gawin sa PC at internet [chatting? posible...]. Buti na lang hindi air-conditioned itong shop, dahil sigurado akong hindi iyon makakabuti sa mga tao dito sa loob...kuha niyo ba?

Dalawang linggo na ang nakalipas, eksakto dalawang linggo. Lunes iyon, hindi ako maaaring magkamali. At dalawang linggo na akong naiinip at di-mapakali. Hayaan ninyo, patatapusin ko lang itong linggong ito, ibabahagi ko ito sa inyo...

Seventeen minutes left.

Seventeen years old na nga pala ako, ngayong taon na ito ang debut ko pero hindi ako maghahanda. Para que pa? Taray...

Sabi ng Tito Ped ko, sa Manila Pen daw ako mag-dedebut, hihintayin na lang daw namin si Trillanes para libre na. Ayos, solve...may media coverage pa.

Fifteen minutes left.

Halos pudpudin ko ang mga daliri ko kahapon sa paggigitara, akala mo kung sinong marunong maggitara. Bumawi lang naman ako sa ilang linggo din na hindi pag-practice, ang laki na siguro ng kasalanan ko sa instructor ko na si Jer - kapwa estudyante ko na kasapi ng AMP, na nataong naging instructor ko sa guitar playing for beginners bilang bahagi ng Guitar 101 na proyekto ng AMP.

Sa ngayon, pinag-aaralan ko ang kantang Ako'y sa Iyo, at Ika'y Akin Lamang ng I'Axe.

Ten minutes left.

Napansin ko lang na ang tagal kong gumawa ng blog entry. Ganoon na siguro ka-stagnant ang utak ko. Kailangan ng turnover!

Hanggang dito na lang muna.

0 ang nagmamahal:

kamakailan lamang

maaari kang bumalik, kung gusto mo.

Powered By Blogger