Ngayong araw ng mga puso, wala akong klase pero nandito ako sa eskuwelahan. Ewan ko ba kung bakit parang ginawa nilang holiday ang Valentine's Day, iyan tuloy makulimlim ang langit. Dadalawa na nga lang ang klase ko kapag Huwebes, halos apat na oras pa ang break time, tapos parehong nagdesisyon ng freecut iyong dalawa kong guro.
Dapat kasi may practice kami ngayon sa Wushu para sa group presentation namin na gaganapin na sa Feb. 28, kaya lang ayaw nilang magpractice. Para naman sa Fil, ngayong umaga kami naglibrary work, kasi nga naman Valentine's Day...may date yung isa kong kagrupo [na bumili ng ferrero rocher chocolate na nagkakahalagang 500 pesos LANG NAMAN!]. Mananatili pa ako dito sa eskuwelahan hanggang hapon, mamayang 1:30 kukunin ko yung Math notebook ko kay Anna G. Tapos baka irevise ko na din yung peste kong English paper.
Ayoko na talagang hawakan yung papel na iyon e, kung puwede nga lang hindi na ako magpapasa ng final paper. Paano ba naman kasi, last last week, nakakondisyon na akong magreevise ng draft at ang kulang na lang ay iyong second draft ko na nasa guro pa namin. Paano ba naman ako magrerevise nang walang pinagbabasehan kung ano ang mga babaguhin, tatanggalin, o idadagdag sa gawa ko? Sabi siya ng sabi na ilalagay niya sa pigeonhole niya, tapos halos dalawang linggo akong pabalik-balik sa de la Costa, wala naman doon yung mga second draft namin.
At eto, noong Monday lang ibinalik sa amin ang mga papel namin. What kind of a grade is -C+ anyway? Ayan tuloy napapa-Ingles ako. Sana pinlakda na lang niya sa C/C+ yung grade ko nang hindi ako nag-aasume na hindi ako karapatdapat sa grade na C+, o maging sa grade na C. Sabi nga nung iba kong mga kaibigan, baka F ang ibig sabihin ng -C+. Ngayon ko napatutunayan na hindi talaga para sa akin ang subject na English, o hindi ko gamay ang subject na English di tulad ng pinaniniwalaan ko noon.
Balik sa kuwentong puso.
May mga badges na binebenta ngayon dito, ibinalita lang sa akin ni kuya: S.A.W.I. at S.A.P.U.L. SAWI = Samahan ng mga Atenistang Walang Iniibig.
SAPUL = Samahan ng mga Atenistang Palaging Umaasa Lang.
Kung mga organisasyon ang mga iyan, malamang sasalihan ko. For conformity purposes. Pero hindi pa rin bagay sa akin. Kasi hindi totoong wala akong iniibig/minamahal, pero hindi rin totoong palagi akong umaasa. Umiibig ako, ngunit hindi umaasa. Sapagkat ang umibig ay isang bagay na hindi ko mapipigilan, at ang pag-asa'y isang bagay na aking itinataboy dahil wala naman talaga akong aasahan. Wala namang bago e, lagi nang ganito kaya tila namamanhid na ako. At isa pa, ang pakiramdam ko'y wala ako sa tamang lugar para magsabi/magsulat tungkol sa mga bagay ukol dito.
Ang Valentine's Day bilang isang araw.
Hanggang sa ngayon ay nananatiling mito para sa aking ang mismong araw ng Valentine's Day, sapagkat para lamang ito sa mga taong "marunong" umibig. Marunong: nakaranas na ng pag-ibig, nagmahal at minahal, nagmamahal at minamamahal, nagpipilit magmahal at mahalin. Ipagpapalagay kong hindi ako "marunong" umibig. Ngayon ko lang nakita kung gaano kabigat ang araw na ito para sa ibang mga tao. Ang dami kong nakikitang mga bouquet ng mga bulaklak, at iyong mga magagandang halimbawa ng mga taong pinaghahandaan ang araw na ito ay iyong kagrupo kong bumili ng ferrero rocher.
Para sa akin noon, ang Valentine's Day ay isang araw kung kailan kailangan mong magdala ng red art paper, red cartolina, red glitters, glue, scissors, design, etc., sa eskuwelahan. Pagagawin ng mga cards ang mga estudyante para sa kanilang mga magulang o mga kaibigan. Noong isang taon ang huling beses kong ginawa iyan, pero hindi bilang isang proyekto sa Art kundi bilang pasasalamat at paghingi ng tawad sa lahat ng mga naging guro namin noong high school. Masyado na raw kasing marami ang atraso ng seksiyon namin sa mga guro ng eskuwelahan namin, at panahon na raw para humingi kami ng tawad. Buti na lang cinareer ko nang todo. Hindi ako halos natulog noong eve ng Valentine's Day para gumawa ng mga cards para sa mga guro. Gumawa ako ng apat na tula, tig-isa sa bawat year level. Naibigay naman sa mga guro. Iyong iba natuwa. Meron namang guro na nagtampo kasi hindi namin binigyan ng card, e hindi naman namin siya naging guro. Buti na lang may isa akong kaklase ng nagdala din ng Valentine Cards
para sa mga guro, kaya solve ang problema.
Bukod sa mga cards, namigay din ako ng mga bulaklak sa mga kaibigan ko. At siyempre, hindi ko iyan pinagkagastusan. Namitas lang ako ng mga roses sa miniature rose plants ng mama ko at ng mga rosal sa rosal plant ng mama ko. Talagang bongga di ba? Haha, hindi ko na matandaan kung anong pumasok sa isipan ko at talagang pinaghandaan ko ang Valentine's Day last year.
Ngayong taon na ito, pula ang panyo ko at pula din ang medyas ko. Kahit papaano naman nakikiayon din ako sa panahon. Ayokong magmukhang KJ o maging conformist sa pagtiwalag sa pagseselebra ng araw ng mga puso. Natutuwa nga rin ako sa mga nagiging epekto ng Valentine's Day sa mga tao. May mga taong labis na napanghihinaan ng loob dahil wala silang date ngayong Valentine's [mga conformist], may mga taong galit sa Valentine's [Non-conformist DAW pero nagko-conform sa pagiging rebelde sa conformity. Uso e.], may mga taong nababaliw at tumatalon sa mga billboard, may mga taong minumura ang mga bulaklak sa labis na kamahalan, may mga taong sagot nang sagot ng love surveys sa friendster, may mga taong gumagawa ng blog entry tungkol sa Valentine's Day, may mga gurong nagbibigay ng freecut, may mga nanay na nalilimutang bigyan ng baong pera ang kaniyang anak kaya kailangan niyang makipagkita sa kuya niya sa loob ng eskuwelahan para kunin ang baon, may mga sikmurang kumukulo dahil sa gutom, may mga taong nagkakamali, may mga taong nagbibilang ng nunal sa kanilang buong katawan, at may mga taong binabago ang friendster profile nila.
How random.
Wanted si Kupido ngayong araw na ito. Ang sinumang makahuli sa kaniya ay magkakamit ng walang hanggang pagmamahal.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 ang nagmamahal:
Mag-post ng isang Komento