Wala na naman akong tulog, pero hindi naman ako inaantok. Kanina lang siguro noong nasa loob ako ng jeep habang sinisiksik ako ng katabi ko.
Malamig ang hangin at hindi ganoon kainit ang araw. Sana araw-araw laging ganito...
###
Ang sabi ng instructor namin sa Environmental Science 10, ang mga ipis ang isa sa mga pinakamatandang organismo sa mundo. Ang sabi din niya, kung sakaling magkakaroon ng nuclear fall-out, may posibilidad na sila na lang na mga ipis ang mabubuhay, at mag-e-evolve pa raw.
Napansin niyo ba na nagiging immune ang mga ipis sa brand ng insecticide na ginagamit mo habang tumatagal? Hindi naman sa hindi na sila tinatablan, nahihilo na lang sila tapos mag-a-amok pa, lilipad-lipad...ano pa ang silbi ng insecticide kung papaluin mo lang din pala yung ipis ng tsinelas para mapatay mo.
Naisip ko itong coevolution na nagaganap sa pagitan ng mga ipis at insecticide [hanggat tinatapangan nang tinatapangan ng mga scientist ang timpla ng mga kemikal sa insecticide, nag-e-evolve ang mga ipis/mga susunod na henerasyon ng mga ipis para maging immune sa lason ng insecticide] dahil sa pag-inom ko ng kape.
Dati kasi hindi na ako nakatutulog sa isang tasang kape. Noong first sem yun. Sa kalagitnaan ng first sem, lumipat na ako sa mug. Malakas pa rin ang daloy ng caffeine kaya talagang sabog ako hanggang umaga. Pero ngayong second sem, wala nang epekto ang isang mug ng kape sa akin. At kaya hanggang ngayon ay hindi pa ako dinadalaw ng antok ay dahil isa't kalahating mug ng kape ang ininom ko. Para nga akong ipis...kung sila nagiging immune sa kemikal, ako naman nagiging immune sa caffeine.
Kaya din siguro nagiging nerbiyosa na ako...at madalas pagpawisan ang mga palad...at bumibilis ang tibok ng puso...lumalalim ang hininga...
Hindi naman siguro, nagkataon lang siguro na uminom ako ng maraming kape at mamaya ko na malalaman ang score ko sa Math Midterms ko...
Pero nasaan ang kuwentong-kape dyan?
###
Sabay kami ni kuya na uminom ng kape. Pangalawang mug ko na, siya una pa lang. Pero espesyal ang kape niya kasi kung talagang magpupuyat siya, nilalagyan niya ng konting alak yung mug niya. At kagabi nilagyan niya nga ng alak ang kape niya...
Nandoon lang kami sa hapag-kainan, umiinom ng kape at nagpapahinga. Ako, nagpapahinga dahil sa puspusan kong paggawa ng second draft ng argumentative research paper at kasabay nun ay ang pag-iisip ng matinong text para sa Filipino. Si kuya naman, nagpapahinga dahil sa kaniyang subject from hell kaya every week is hell week [subject from hell = accounting; buti na lang hindi ko na pag-aaralan yan] at katatapos lang ng exam nila kagabi.
Kung ano-ano lang ang napagkuwentuhanan namin. Mga Filipino teachers, ang Filipino Department, ang mga teachers mula sa ibang department, mga magsyotang nagme-make-out sa kung saan mang lugar sa campus, yung naeskandalong magsyota dahil nahuli ng isang sekyu na may ginagawang milagro sa isa sa mga SEC buildings, mga blogs, ang strategic locations ng mga smocket sa campus, ang kagandahan ng pagsira sa ilang smockets, mga naninigarilyong mga estudyante, mga naninigarilyong guro, friendster, yung kantang suicidal na Gloomy Sunday, isang tula tungkol sa mga bituin, ang pagbabasa ng tula, ang kaibahan ng idinudulot na inspirasiyon ng kalungkutan/pagiging mag-isa sa paghahanap ng kahulugan sa mga pangaraw-araw na pangyayari sa buhay, atbp...
Oo, medyo naging emo kami [lagi namang emo ang kuya ko e, impluwensiya ko noong fourth year high school, pero ipinagpapatuloy niya hanggang ngayon]...
Hanggang sa naubos na ang kape ko...balik uli sa papel at bolpen.
###
Nasa kwarto ako gumagawa ng draft para sa argumentative research paper ko, kasi hindi ko talaga magawa kapag may magulo sa paligid. Hindi ko nga masimulan, wala akong maisip na magandang intro. Nang mapagtripan ko ang mga langgam na nasa pader. Pinagmamasdan ko lang sila, naaalala ko tuloy yung text ng isa kong kaibigan tungkol sa mga ants:
Buti pa ang mga ants, nakakapagcommunicate. Sana tayo maging tulad nila, nakakapaglakad sa walls!
May naaalala din akong sinabi naman ng isang blockmate, na masarap daw guluhin ang mga ants kapag busy sila sa paglalakad sa walls na tila single file lang. Burahin daw gamit ng laway yung isang point ng linya para mabuwag yung martsa nila at magkagulo. Oo, ginawa ko. Sa una natutuwa pa ako kasi nagkakagulo na sila. Pero ilang minuto lang ang nakalipas, balik uli sila sa pila. Busy na naman sila.
Iniisip ko, parang may kulang. Nakukulangan ako sa pangyayaring iyon. Parang bitin. Walang thrill. Hinihintay ko sigurong magpatayan yung mga langgam. Human instinct. Masama bang maghanap ng human instinct sa mga langgam?
Hindi naman sila sumasagot. Busy na naman sila.
At ako, wala pang nailalaman sa notebook kong puno ng bura.
###
Noong gabi bago ng Math Midterms, hinahalungkat ko yung isa kong kabinet na puno ng mga papel: mga activities, homeworks, scratch papers, mga libro, at mga drawing. Naghahanap kasi ako ng mga homeworks at activities sa Math11 para mapag-aralan naman. Pero, pagkakataon nga naman, o sinasadya kong mas pagtuunan ng pansin yung notebook na yun kaysa sa paghahanap ng review materials.
Halos tatlong taon na iyong notebook na yun. Naninilaw na ang mga dahon. Iba na rin ang kulay ng mga tinta sa ibabaw ng papel. Pero marami pang mga dahon ang bakante. Blangko. Nawawalan ng silbi. Ano nga ba ang mga nakasulat doon?
Lyrics ng Can't Cry Hard Enough. Minsan naiiyak pa rin ako tuwing kakantahin ko iyan.
Mga text jokes and inspirational messages na hindi ko naman akalaing nawawalan din ng halaga kung hindi mo na maalala kung sino ang nagpadala sa yo.
Isa na naman sa aking mga basag na tula. Pero noong panahong yun, desidido pa rin akong tahakin ang Fine Arts sa UP Diliman. Hindi ko naman akalaing seseryosohin ko ang pagsusulat, ang pagtatangka, at pangangahas.
Isang bitin na 'nobela.' Noong binuklat ko itong notebook na ito, tsaka ko lang uli naalala na nagtangka na pala akong sumulat ng nobela noon.
Isang bitin na salita: Evanescence. Ginagaya ko yung lettering ng 'evanescence' mula sa album cover nila. Hindi pala ganoon kalapad yung papel, kaya hindi nagkasya.
Mga Math equations sa likuran.
May sariling buhay yata yung notebook.
Kaya balik uli ako sa paghahanap ng Math reviewers ko. Pero sa muli kong paghahanap sa kabinet kong parang may mini-forest sa loob ng bawat palapag, mayroon akong ibang hinihintay na makita. Isang bagay, na mas makatutulong sa akin kaysa sa Math reviewers.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 ang nagmamahal:
Mag-post ng isang Komento