Magandang Umaga Ace!!!

Ene 28, 2008

Napakaganda ng umaga mo.
Maaga kang nagising pero late ka nang lumabas ng bahay.
Marami ngang mga pampublikong sasakyan: mga fx at jeep,
Lahat naman puno na.
Napakaganda ng umaga mo.
Habang naghihintay ka sa ilalim ng waiting shed
(na hindi mo alam kung bakit mas gusto ng mga taong
maghintay ng masasakyan sa labas ng waiting shed),
Pinaglaruan mo ang iyong puting panyo.
At sa isang maling galaw ng isang daliri,
Nag-dive ang maputing panyo sa maitim na tubig
Na naipon sa gutter (gutter nga ba ang tawag doon?)
Sa gilid ng kalsada.
Napakaganda ng umaga mo.
Nakasakay ka na sa isang jeep.
Naalala mo lang bigla ang bilin ng mama mo:
Wag kang sasakay sa patok, hindi ka naman nila pananagutan
Sakali mang maaaksidente kayo.
Wala lang, naalala mo lang
Kasi luma ang sinakyan mong jeep
(para namang may pagpipilian ka pa?).
Napakaganda ng umaga mo.
Pagpasok mo sa jeep, muntik ka nang madapa.
Sumabit kasi ang paa mo sa paper bag
Ng isang estudyante ng Matyo (St. Matthew's).
Blue magic pa ang tatak.
Napakaganda ng umaga mo.
Wala kang barya, di tulad ng nakagawian.
Buo ang iyong pera, siguro nama'y may panukli na.
"Bayad po. Isang Katipunan, galing Sta. Ana..."
Ang sabi mo, pero malakas pa ang radyo sa boses mong parang pang-ipis.
Napakaganda ng umaga mo.
"Saan 'to?" sabi ng driver.
Ngunit umaalingawngaw ang "Dulce, dulce, dulce..."
"Tira, tira dulce!" Naharaya (isang bagong salita,
Hindi ko pa alam kung tama ang paggamit ko)
Mo na na sumasayaw ang UD4 sa ASAP.
"Isa pong Katipunan, galing Sta. Ana.."
Sagot ng ipis.
Napakaganda ng umaga mo.
Kulang ang sukli, sinubok mong imental math
Kahit na alam mong may pagkatanga ka rito.
Pilit mong sinigawan ang driver
Pero mas makulit ang UD4.
Susuko ka na sana, pero naalala mo sila.
Silang mga pasahero na handang makipagpatayan
Para sa pisong kulang sa isinukli.
Sa isip mo: "Barya kong otso, ipaglalaban ko!"
Napakaganda ng umaga mo.
Buti na lang may nagmagandang loob.
Siya ang sumigaw para sa iyo.
Galit siya. Hindi mo alam kung kanino o kung saan.
Sa driver ba na nagsasamantala,
Sa iyo na boses ipis,
O sa wristwatch niya na kanina pa niya sinusulyapan?
Napakaganda ng umaga mo.

Napakaganda ng umaga mo.
Hinila mo ang tali, at umilaw ang bombilya sa may driver.
Katumbas ng isang "Para."
At bumaba.
"Magandang umaga, Ace!!!"
Sabi ng Katipunan.

0 ang nagmamahal:

kamakailan lamang

maaari kang bumalik, kung gusto mo.

Powered By Blogger